Pictorial Essay

Sa Likod ng Maskara: Ang Aking Digmaan Laban sa Sarili
sa Panahon ng Pandemya
Isinulat ni: Tayshaun Clar

    Marso 2020, isang hindi inaasahang pangyayari ang yumanig sa mundo. Isang virus na tinatawag na COVID-19 ang kumalat, bumalot ng takot, at kumitil ng milyong-milyong buhay. Ang pag-ikto ng buong daigdig ay huminto, mga paaralan, trabaho, at pamumuhay ng mga tao. Sa murang edad na labindalawa, ako ay walang alam sa kahulugan ng pandemya. Sa aking paningin, ito ay isang pagkakataon upang magpahinga mula sa eskwela at maglaro sa bahay. Ngunit lingid sa aking kaalaman, sa likod ng panandaliang kasiyahan ay isang masaklap na realidad, isang digmaan sa pagitan ng pag-asa at kawalan, ng kasiguraduhan at takot, at ng buhay at kamatayan.


    Sa unang larawan, ipinapakita ang biglaang pagbabago sa mundo noong sumiklab ang pandemya. Ang simpleng buhay na aking nakasanayan ay biglang nag-iba. Ang aking pamilya ay nakikipagbuno sa hamon dala ng pandemya, ang aking mga magulang ay naging frontliners na gumigising sa madaling araw upang pamahalaan ang aming negosyo at masigurong may pagkain kami sa mesa. Ngunit bilang isang bata, ako ay walang kamalay-malay sa kanilang pagdurusa. Ang iniisip ko lamang ay ang kalayaan mula sa klase at ang saya ng hindi paggising nang maaga upang pumasok sa paaralan. Hanggang sa dumating ang puntong nagkawatak-watak kami bilang isang pamilya. Ang aming tahanan ay napuno ng sigawan, tampuhan, at hindi pagkakaunawaan. Wala nang mapagtaguan, wala nang ibang kasama kundi ang isa't isa, at doon lumabas ang hindi inaasahang poot na bunga ng kawalang pag-asa.


    Ang pangalawang larawan ay sumasalamin sa isang malaking pagbabago sa aking buhay, ang pagyakap sa online learning at social media bilang kanlungan. Sa panahong ang lahat ay nasa bahay, ako ay nakahanap ng bagong mundo sa internet. Dito ako nakatagpo ng mga bagong kaibigan, bagong kaalaman, at isang bagong pananaw sa edukasyon. Sa unang pagkakataon, ako ay naging masigasig sa aking pag-aaral, naglaan ng oras upang mapabuti ang aking sarili. Ngunit sa kabila ng aking mga akademikong tagumpay, hindi ko maiwasang maramdaman ang matinding lungkot at pangungulila. Dito ko unang naramdaman ang bigat ng depresyon, isang pakiramdam na tila ako ay nag-iisa sa gitna ng maraming tao. Ang aking lungkot ay dala ng aking matinding galit sa aking pamilya. Kailanman ay hindi ko naramdaman ang pagmamahal ng aking mga magulang. Sa kabila ng masasayang larawan at ngiti sa screen, ako ay unti-unting nawawalan ng dahilan upang mabuhay at ang aking puso ay may mabigat na pasang dinadala.


    Ang ikatlong larawan ay isang masakit na larawan ng aking pinakamatinding laban, ang aking digmaan laban sa sarili. Dala ng matinding insekuridad, natutunan kong ikubli ang aking mukha sa likod ng maskara. Hindi lamang upang protektahan ang aking sarili mula sa sakit, kundi upang itago ang aking sarili mula sa mundo. Ang aking katawan ay hindi ko na inalagaan, ang aking tingin sa sarili ay bumagsak, at ako ay tuluyang lumayo sa lahat ng tao. Napagpasyahan ko na ayaw ko nang mabuhay. Ngunit sa isang madilim na gabi, habang tinatanong ko ang aking sarili kung nais ko pang ipagpatuloy ang aking buhay dito sa mundo, isang tinig ang aking narinig, isang tinig na nagmulat sa aking kamalayan tila nagsabing, "Huwag kang susuko." Sa puntong iyon, natagpuan ko ang Diyos sa pinakamadilim na bahagi ng aking buhay. Unti-unti akong bumangon, nagbago, at sinubukang yakapin muli ang mundo. Sa kabila ng sakit at paghihirap, pinili kong lumaban. At kasabay ng unti-unting pagtatapos ng pandemya, natapos din ang isang yugto ng aking buhay kung saan ako ay lubos na nawala sa sarili.

            Ang aking kuwento sa nagdaang pandemya ay isang paalala sa lahat na sa kabila ng anumang pagsubok sa buhay, maging ito man ay kalungkutan o kawalan ng pag-asa, lagi tayong may pagkakataong bumangon. Gusto kong iparating sa sangkatauhan na gaano man kahirap ang hadlang na ating hinaharap, piliin nating mabuhay. Ang mundo ay puno ng sakit at pagsubok, ngunit ito rin ay puno ng pag-asa at pagmamahal. Huwag tayong magpapadala sa unos, sapagkat ito ay lilipas din at muling sisikat ang araw. Patuloy tayong mangarap, lumaban, at mabuhay para sa mas magandang bukas.

Comments

Popular Posts