Talumpati
Lasong Nakakubli: Ang Pagkalulong ng Kabataan sa
Pornograpiya
Mga
kababayan kong Pilipino, hinihingi ko ang iyong atensyon at mga puso.
Sa
panahong ang pagbabago at pangingibaw ng teknolohiya ay puwersang hindi
maikakaila, isang tahimik ngunit mapanganib na salot ang unti-unting sumisira
sa kinabukasan ng ating bayan, ang pagkalulong ng ating kabataan sa
pornograpiya. Habang tayo ay abala sa ating indibidwal na mga buhay, isang
madilim na katotohanan ang bumabalot sa isipan ng mga batang hindi pa handa sa
ganitong uri ng impluwensya.
Minsan
ba’y napansin natin kung paano ginugugol ng ating kabataan ang kanilang oras sa
harap ng mga screen? Ang Internet, na dapat sana’y isang daluyan
ng kaalaman, ay nagiging lason na nagpapalabo sa kanilang pananaw sa tunay na
kahulugan ng pag-ibig, respeto, at dangal. Sa murang edad, sila’y nalulubog sa
ilusyon ng kalibugan, at ang mas masaklap, wala silang sapat na gabay upang
maunawaan ang panganib na dulot nito.
Ang
pornograpiya ay hindi simpleng libangan, ito ay isang lason na sumisira sa
moralidad at nagkakait ng dalisay na pag-iisip. Inuubos nito ang oras ng
kabataan, hinuhubog ang kanilang isipan na ang babae ay isang gamit lamang para
sa pansariling aliw, at binabago ang kanilang pagtingin sa relasyon bilang
isang bagay na pisikal lamang. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang edukasyon,
pangarap, at pagpapanday ng kanilang kinabukasan, mas inuuna nila ang
makamundong pagnanasa.
At
ano ang bunga nito? Tumataas ang kaso ng teenage pregnancy, dumarami ang
mga sirang pamilya, at ang respeto sa kababaihan ay unti-unting naglalaho. Ang
mas masaklap, ang ilan ay nagiging biktima ng karahasan, mga kabataang nalulong
sa pornograpiya na hindi na makontrol ang kanilang pagnanasa, kaya't nauuwi sa
pang-aabuso. Hindi ba’t ito’y isang trahedya na dapat nating wakasan?
Huwag
tayong magbulag-bulagan! Hindi sapat ang aralin sa silid-aralan kung ang ating
kabataan ay tinuturuan ng ibang leksyon sa madilim na sulok ng Internet.
Mga magulang, kayo ang unang dapat gumabay sa inyong mga anak! Huwag hayaan na
ang teknolohiya ang humubog sa kanilang pag-uugali. Ang responsibilidad ng
pagkalinga at wastong paggabay ay nagsisimula sa tahanan.
At
tayong lahat bilang isang lipunan—kailan tayo magigising? Kailan tayo
mag-aalarmang ito’y hindi isang usaping dapat ipagwalang-bahala? Hindi natin
maaaring isantabi ito at ituring na normal. Ang kabataan ang kinabukasan
ng ating bayan, ngunit paano kung ang kanilang isipan ay lason na ng malaswang
imahe at maling pananaw sa paggalang? Kung tunay nating mahal ang ating bayan,
dapat nating protektahan ang hinaharap nito.
Mga
kaibigan, ito na ang panahon upang kumilos. Iparating natin ang mensaheng ito
sa bawat tahanan, paaralan, at pamahalaan. Itigil ang pagpapalaganap ng
pornograpiya. Huwag nating hayaang ang kasalukuyang henerasyon ay maging alipin
ng makamundong pagnanasang sekswal. Ang pagbabago ay nagsisimula sa atin, sa
ating desisyong ipaglaban ang dalisay na pag-iisip at malinis na pananaw para sa
ating kabataan.
Ang
Pilipinas ay hindi dapat magpadaig sa makamandag na suliraning ito. Muli nating
buhayin ang dangal, respeto, at tunay na pagmamahal sa ating lipunan.
Maraming salamat.


Comments
Post a Comment