Lakbay Sanaysay
"Siquijor: Mula Takot Patungong Pagkamangha"
Mula pagkabata, takot na takot ako tuwing maririnig ko ang pangalang “Siquijor”. Para sa akin, ito ay isang lugar ng masasamang salamangka, mahika, at mga nilalang na hindi ko nais makatagpo. Hindi ko inasahan na sa paglipas ng panahon, ang parehong lugar na aking kinatatakutan ay magiging isa sa pinaka-hindi malilimutang bahagi ng aking buhay. Ang aking paglalakbay sa Siquijor ay isang regalo ng aking pamilya matapos kong makamit ang unang puwesto sa Academic Excellence noong ako ay nasa Baitang 11. Ang tatlong araw na paglalakbay na ito ay hindi lamang nagbigay sa akin ng pahinga mula sa mga gawain sa paaralan, kundi nagbukas din ng pinto sa bagong pananaw sa buhay at sa ating kalikasan.
Sa
ikalawang araw, mas naging masidhi ang aming paglalakbay. Matapos ang masarap
na almusal, unang destinasyon namin ang Lazi Church, isang
makasaysayang simbahan na itinayo noong ika-19 na siglo. Ang kanyang
arkitekturang baroque at neoclassical ay patunay ng mayamang
kultura at kasaysayan ng Siquijor. Dito, nanalangin ako kasama ang aking
pamilya, hindi lamang para sa aming kaligtasan kundi para sa patuloy na
kapayapaan sa aming buhay. Sumunod naming tinungo ang Cantabon Cave,
isang madilim at mapanganib na kuweba na may lalim at matatalas na bato. Ang
takot ay mabilis na napalitan ng pananabik habang ginagabayan kami ng aming
tour guide sa loob ng kuweba. Mula sa dilim, nagtuloy kami sa Pitogo Cliff,
kung saan naglakas-loob akong tumalon mula sa taas na 20 talampakan papunta sa
malinaw at bughaw na dagat. Sa sandaling iyon, napagtanto ko ang aking
pagmamahal sa dagat at ang hindi matatawarang yaman ng ating kalikasan. Natapos
ang ikalawang araw sa Paliton Beach, kung saan naranasan ko
ang tinaguriang "human drone swing" ng isla. Sa pagtatapos ng
araw, nagmuni-muni ako sa halaga ng oras at kung paano natin ito dapat gamitin
sa mga bagay na nagpapaligaya sa atin.
Sa
huling araw ng aming pamamalagi sa isla, binisita namin ang Enchanted River,
isang ilog na tila nilikha ng mga engkanto upang ipamahagi ang kanilang regalo
sa mundo. Ang kristal na linaw ng tubig at ang tahimik nitong agos ay nagbigay
sa akin ng pakiramdam ng himala at hiwaga. Hindi ko akalain na may ganoong klaseng
lugar na kasing ganda sa ating bansa. Ang huling destinasyon namin ay ang Cambugahay Falls,
ang pinakatanyag na talon sa Siquijor. Kahit mahirap ang paglalakad pababa
patungo sa talon, sulit ang pagod nang makita ang mala-paraisong tanawin. Dito,
muli kong sinubukan ang Tarzan swing at lumangoy sa malamig at asul na
tubig. Ang pinakamahalagang bahagi ng araw na ito ay hindi lamang ang ganda ng
lugar kundi ang alaala ng kasiyahan at pagtawa na ibinahagi ko kasama ang aking
pamilya.
Habang nakahiga ako sa barko pabalik ng Cebu, may ngiti akong dala. Sa loob ng tatlong araw, mula sa takot ay napalitan ng paghanga ang aking nararamdaman para sa Siquijor. Natutunan ko na hindi dapat hatulan ang isang lugar o kahit isang tao base sa sabi-sabi, bagkus ay dapat maranasan ito mismo upang lubos na maunawaan. Ang aking paglalakbay sa Siquijor ay hindi lamang isang bakasyon, ito ay isang paglalakbay patungo sa mas malalim na pag-unawa sa ating mundo at sa sarili kong pagkatao. Sa huli, isang mahalagang aral ang aking natutunan at iyon ay ang pagunawa na ang kalikasan ay isang biyaya na dapat nating ingatan at ipagmalaki, hindi lamang para sa ating sarili kundi para sa susunod na henerasyon.






Comments
Post a Comment