Sintesis
Isyung Panlipunan:
Kaso ng mga Bullying sa Social Media
Pamagat ng Artikulo: ALAMIN: Batas sa bullying at ilang naitalang malalang kaso nito
May-Akda: Nicole Therise Marcelo
Petsa: Oktobre 16,2024
Lokal na Pahayagan: Balita - Philippine News
Pinanggagalingan: https://balita.mb.com.ph/2024/10/16/alamin-batas-sa-bullying-at-ilang-naitalang-malalang-kaso-nito/#:~:text=Ang%20R.A%20No.,electronic%20expression%20at%20physical%20contacts.%E2%80%9D
Pagbubuod:
Sa isang artikulong inilathala sa Balita - Philippine News site na isinulat ng isang Nicole Therise Marcelo sa ika-16 ng Oktubre taong 2024, muling nangibabaw ang lumalaganap na isyung pumapatungkol sa pang-aapi o bullying sa kapwa, partikular na sa mga paaralan gamit ang social media. Sa nakaraang taon buwan ng Agosto, sa isang pahayag ng Programme for International Student Assessment (PISA) idineklara ang Pilipinas bilang "bullying capital of the world". Sa isang datos na inilabas ng Department of Education (DepEd) at DepEd Learner Rights and Protection Office (LRPO) noong Enero 2024, naitala ang 83 kaso ng physical bullying, 28 kaso ng verbal bullying, at 27 kaso ng cyberbullying sa kanilang "telesafe" helpline na naisagawa upang pakinggan ang mga estudyanteng nagdaramdam ng pananakit o pang-aabuso. Isang pangyayari noong 2024 sa Pasig City ang nagpakita ng isang estudyanteng nautusang lumuhod at sinampal ng kanyang bully, na nakatanggap ng atensyon at masidhing diskusyon online. Sa kabila ng pagkakaroon ng mga batas tulad ng Anti-Bully Act of 2013 (R.A. No. 10627) at Cybercrime Prevention Act of 2012 (R.A. No. 10175) na naglalayong mapigilan at maaksyonan ang bullying sa mga paaralan, patuloy pa rin ang malubhang paglaganap ng malalang kaso ng bullying sa bansa. Sa isang pangyayari sa taong 2017, isang estudyante sa ika-8 baitang ang nagpakamatay matapos maging biktima ng cyberbullying dahil sa maling paratang ng pagnanakaw na kumalat sa Facebook. Ang batang ito na kilala bilang si Eric Hain Demafeliz na nakatira sa Bago City ay inakusahan ng pagnanakaw ng isang tablet ng kanyang kamag-aral, at ang mga mapanirang mensahe tungkol dito ay umabot sa social media at alegasyon na ang bata ay pinahiya sa harap ng paaralan. Noong 2018, isang balita ang sumikat mula sa isang insidente na naganap sa Ateneo de Manila University na isang pambubully ng isang Taekwondo player sa kanyang kapwa estudyante, na naging viral sa social media. Sa taong 2023 naman, nauwi sa pananaksak ang isang insidente ng bullying sa Laurel, Batangas kung saan dalawang estudyante ang nasangkot at nasugatan. Taong 2022 sumiklab ang balita ng pambubully ng isang guro sa kanyang estudyante sa ika-5 baitang nang siya ay kumuha ng litrato na kumalat sa social media bilang panglalait sa estudyanteng umano ay mabagal magsulat. Isa pang insidente ng cyberbullying na naging inspirasyonal ang hatid ng kuwento ni Jamie Cerrero, na naging biktima rin ng bullying at cyberbullying mula pagkabata bilang madalas gawing paksa ng memes sa social media. Sa kabila ng kaniyang pagdudusa, nakapagtapos siya bilang Magna Cum Laude sa University of the Philippines sa kursong Political Science noong 2023. Ang mga pangyayaring ito ay nagpapakita ng patuloy na hamon ng ating bansa sa pagpapatupad ng mga umiiral na batas laban sa bullying at ang pangangailangan ng mas epektibong hakbang upang masugpo ito.



Comments
Post a Comment